1,285
Poe, Villar, Go nanguna sa Magdalo senatorial poll
By

Poe, Villar, Go nanguna sa Magdalo senatorial poll

Nanguna ang mga senador na sina Grace Poe at Cynthia Villar, at ang dating presidential aide na si Christopher “Bong” Go sa listahan ng mga top choice for senator sa huling tala ng nationwide Magdalo survey na inilabas ni Senador Antonio Trillanes IV.

Nakakuha ng preferential rating na 60.4 si Poe habang sina Villar at Go ay nakatanggap ng 50.8 percent at 47.8 percent.

Ang naturang survey ay isinagawa noong Abril 2 hanggang Abril 4, 2019 sa 3,000 respondents.

Nasa ika-4 na pwesto naman si dating Senador Lito Lapid na may 42.3 percent na boto, habang pang lima naman si Pia Cayetano na may 40.4 percent.

Ang iba pang bumubuo sa Magic 12 ay sina dating Senador Ramon Revilla (39.1 percent), dating Philippine National Police chief Ronald Dela Rosa (36.9 %), Senador Bam Aquino (34.5%), Senador Nancy Binay (33.7%), Ilocos Norte Governor Imee Marcos (32.7%), dating Senador Jinggoy Estrada (30.9%), at Senador Sonny Angara (30.7%).

Samantala mayroon naman tsansa na makapasok sa winning circle sina dating Interior secretary Mar Roxas (29.3%), dating presidential political adviser Francis Tolentino (29%), Senador Aquilino Pimentel III (25.6%), at Senador Joseph Ejercito (3.4%).

Ang mga respondent ng Magdalo in-house survey ay binigyan ng listahan ng lahat ng kandidato sa pagka-senador at tinanong ng: “Kung ngayon gagawin ang eleksyon sa pagka-senador, sino sa mga sumusunod na kandidato ang inyong iboboto? Pumili hanggang 12 na kandidato.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?