464

By

Poe umangal sa pagsasara ng Estrella-Pantaleon Bridge, kinuwestyon ang Chinese contractor

Umaawat si Senadora Grace Poe sa kasado nang pagsasara ng Estrella-Pantaleon Bridge na nag-uugnay sa Makati City at Mandaluyong City.

Sasarhan mula sa Enero 19 ang tulay dahil wawasakin para palitan ng bago at mas malapad na tulay.

Ayon kay Poe, chairman ng Senate Committee on Public Services, hindi makatwiran na wasakin ang tulay na wala namang sira at pinakikinabangan ng 500,000 motorista.

Inungkat na ginastusan ng P300 milyon ang pagpapagawa ng tulay noong 2010 pero papalitan ngayon ng tulay na gagastusan ng P1.3 bilyon.

“If the roads will not be widened then why replace a relatively new bridge with one that is four times its price?,” sabi ni Poe.

Umangal din ito dahil wala pa umanong maayos na plano para maibsan ang pagsisikip ng trapiko sa 30 buwan na konstruksyon ng pamalit na tulay.

Kinuwestyon pa ng senadora ang construction company na magtatayo ng tulay.

Tinukoy ang China Communications and Construction Corporation na blacklisted umano noong 2009 sa World Bank dahil sa mga anumalya sa mga road project nito sa Pilipinas.

Ang kumpanya ring ito ang nagsasagawa ng reklamasyon ng West Philippine Sea.

“This is a case of a bridge we may not need, whose construction will inconvenience many for a long time, and is being built by a company who after being banned by the World Bank for bungling a road project here became part of the massive land reclamation in the West Philippine Sea,” sabi ni Poe.

“Hindi naman po tayo anti-development. Ang gusto lang natin maayos at hindi makakasama sa atin. Yung hindi donor-driven, may people’s consultation at sapat ang feasibility study,” dagdag nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?