31

Nov 24, 2021 @ 15:07
By

Poe: Text scam dapat nang matigil

Nanawagan si Senadora Grace Poe, chair ng Senate public services committee sa pamahalaan na umaksyon sa iba’t ibang uri ng panloloko gamit ang mobile phone.

“Habang mas marami nating mamamayan ang gumagamit ng smartphone para sa komunikasyon, negosyo at edukasyon lalo na ngayong pandemya, nagdagsaan naman ang mga manloloko,” sabi ni Poe.

Ayon kay Poe, kailangang magkasabay na umaksyon ang gobyerno at pribadong sektor laban sa mga sindikatong mas pinalakas at pinabilis ang kanilang mga pag-atake at pananamantala sa kahinaan ng publikong nakaasa sa mobile phones.

Hinihikayat din ni Poe ang publiko na mas lalong maging mapagmatyag at tingnan ang mga senyales ng mga ilegal na aktibidad upang maprotektahan ang mga personal at sensitibong impormasyon.

“Kailangan ng tuluy-tuloy na pagpapalakas ng mga mekanismo tulad ng mga umiiral na hotlines, kung saan maaaring magsumbong ang taumbayan ng mga ‘spams at scams’ at makakuha ng agarang tulong,” ayon kay Poe.

“Walang sinisino ang text scams. Karamihan sa mga biktima ay mga mahihirap na pamilyang binibigyan ng maling pag-asa na makakuha ng trabaho o gamit, o mas malala pa, makapagbigay muna sila ng salaping kapalit ng pekeng pangakong kikita ito ng mas malaking halaga,” sambit pa nito. (Dindo
Matining)

Abantelliling with Ritz Azul

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?