41

Jan 7, 2022 @ 16:32
By

Poe sa LTO: Online portal dapat may silbi

Hiniling ni Senadora Grace Poe sa Land Transportation Office (LTO) na tiyaking mas maaasahan at madaling magagamit ang online portal nito para sa aplikasyon at renewal ng driver’s license.

“Sa panahong pilit nating iniiwasan ang face-to-face transactions dahil sa COVID-19, umaasa ang ating mga kababayan sa online transactions bilang mas ligtas, mabilis at maaasahang paraan,” pahayag ni Poe.

“Ang kawalan ng silbi ng online service ng LTO ay talaga namang hindi katanggap-tanggap,” dagdag niya.

Inihayag ni Poe na nakarating sa kaniyang tanggapan na ilang mga tsuper na nais mag-renew ng kanilang lisensya ay nakararanas ngayon ng mga problema sa Land Transportation Management System (LTMS).

Ang LTMS ang nagsisilbing online platfrom para sa lahat ng motoring regulatory services ng LTO. Pinagsisilbihan din nito ang mga baguhang aplikanteng nais mag-aplay ng lisensya sa pagmamaneho at magpaparehistro ng behikulo sa unang pagkakataon.

“Dapat maging ehemplo ng pagiging maaasahan ang mga government portals. Hindi dapat ito lupaypay kapag kailangan na ng tao ang serbisyo nito,” ayon kay Poe.

Si Poe ang nanguna sa pagpasa ng Republic Act 10930 na nagpapalawig sa driver’s license ng 10 taon kung ang may hawak nito na nais mag-renew ay walang bayolasyon sa batas-trapiko.

Ang mga motorista naman na may paglabag ay makakakuha ng lisensya na epektibo lamang ng limang taon.

Inamiyendahan din ng naturang batas ang Land Transportation and Traffic Code, na layong panatilihin ang integridad ng driver’s license examinations para matiyak na tanging mga kuwalipikadong motorista lamang ang makapagmamaneho sa kalsada.

Sinabi rin ng senador na layon ng batas na bigyan ng pahinga ang publiko sa pagpila kada tatlong taon sa pagre-renew ng kanilang lisensya. (Dindo Matining)

Abantelliling with Ritz Azul

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?