4

Jul 14, 2020 @ 15:44

Poe sa gobyerno: Kilos na, pabilisin ang internet

Kinalampag ni Senadora Grace Poe ang gobyerno at mga telecommunication company na pabilisin ang internet connectivity at makasabay sa karatig bansa sa Asya sa abot-kayang halaga.

Sabi ni Poe, chair Senate committee on public services, napaka-krusyal sa ngayon ng internet kung saan nahaharap ang lahat sa ‘new normal’ sa gitna ng COVID-19 pandemic.

“We have so far received the progress reports of the Department of Education (DepEd) and Globe Telecom only, and expect others also to submit ASAP,” sabi ni Poe.

Sa panayam sa telebisyon noong Lunes, umaasa si Poe na magsusumite ang mga telecommunication company ng kanilang plano o hakbang kung paano nila matutulungan ang DepEd sa pagpapatupad ng distance learning.

“Anong gagawin nila para magkaroon ng tulong sa DepEd ngayong may distance learning?” tanong nito.

Hinihintay din nito ang panuntunan at inisyatibo mula sa Department of Information and Communications Technology para makakuha ng permit na makapagtayo ng cell tower sa mas maikling panahon alinsunod sa Anti-Red Tape Act (ARTA).

Aniya, kung naipapatupad lang mabuti ang ARTA, mapapalakas at mapapabilis nito ang kabuuang internet speed sa bansa.

“Improving the country’s internet connectivity is a pressing challenge and it is only fitting that we work hand in hand to make this happen,” sabi ni Poe.

Binigyang-diin nito na sa 73 milyong internet user sa bansa, 30 porsiyento ng mga Pilipino ay walang access dito kumpara sa 12 porsiyentong average sa mga bansa sa Southeast Asia.

Ang naturang bilang ay mas mababa para sa fixed broadband kung saan apat na porsiyento lang ng mga Pinoy ang nakakapag-subscribe kumpara sa regional average na 10 porsiyento.

Sa Speedtest Global Index report, bumagsak ang Pilipinas sa 114th place (sa 138 bansa) pagdating sa mobile connection speed. May average lang ito ng 16.17 mbps kumpara sa 110.10 mbps ng South Korea na numero uno sa Asya.

Sa fixed broadband naman, ang average speed sa Pilipinas ay 23.74 para sa 10th place (sa 174 bansa) na malayo sa nangungunang Singapore na may average na 208.16 mbps.

“Lubhang nakakalungkot ang mga numerong ito lalo na sa panahon ngayon na kailangang-kailangan ng mga Pinoy ang internet connection para sa mga nagwo-work from home at sa mga estudyante na sasabak na sa distance learning dulot ng pandemya,” sabi ni Poe.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?