45

Jan 3, 2018 @ 17:47
By

Poe sa DOTR: Tapusin na ang MRT glitches ngayong 2018

Kinalampag ni Senator Grace Poe ang Department of Transportation (DOTr) para gawing prayoridad ang pagresolba sa mga aberya ng MRT.

Hindi na aniya sapat ang regular maintenance ng MRT batay sa naranasan noong nakaraang taon.

“The DOTr should start the year with urgency in addressing this problem, that might require extensive repair work rather than just regular maintenance,” ayon kay Poe.

Sa tala ng DOTr, 500 beses na nagkaroon ng aberya ang MRT.

Ilan dito ay bunsod ng electrical failure, may pumutok na riles, umusok ang mga kable at tumirik ang tren.

Ayon kay Poe, ngayon na DOTr ang nangangasiwa sa pagmamantine ng operasyon ng MRT, kailangan nitong ipakita na kaya nito ang tungkulin sa pamamagitan ng pagkuha ng mga tauhan at opisyal batay sa kakayanan at hindi dahil sa pulitika.

Kung puspusang pagkukumpuni ang gagawin, sinabi ni Poe na maaring ipatigil ang operasyon ng MRT pero kung walang alternatibo, magiging parusa ito sa mga commuter kaya malaki itong hamon sa gobyerno.

“But extensive repair might mean the need to put operations on hold, and without an alternative mass transport system to replace it, this would bring commuters greater woes. This is the challenge that the government should solve asap,” ayon pa kay Poe, chairman ng Senate committee on public services. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?