36

Nov 22, 2021 @ 17:06
By

Poe sa DOTr: Pondo ipamahagi agad para makabangon ekonomiya

Mahigit sa P120 bilyong pondo ang ipinanukala ni Senadora Grace Poe para sa Department of Transportation (DOTr) na mas mababa kaysa sa halagang nakapaloob sa General Appropriations Bill at ng National Expenditure Program.

Umaasa si Poe na maipapamahagi ng ahensya ang 2022 budget nang mas mabilis.

Ang naturang budget na idinipensa ni Poe ay gagamitin para sa anim na rail project, 18 paliparan, 46 na pier, walong road project, at kasama rin ang salary adjustment ng mga empleyado ng ahensya para makatugon sa salary standardization program at pagkuha ng karagdagang tauhan sa coast guard.

“Ang mababang disbursement rate ng ahensya ay palagi na lamang pinagtatalunan, pero hindi natin maipagsasawalang-bahala ang pagbibigay serbisyo sa ating mga kabababayan ngayon higit kailanman habang nagsusumikap tayong bumangon mula sa pandemya,” ayon kay Poe.

Ang panukalang budget ay mas mababa ng P1.5 bilyon kaysa sa nasa ilalim ng General Appropriations Bill at mas mababa naman ng P33 bilyon sa panukalang National Expenditure Program.

Sinabi ni Poe na isa sa pangunahing inamiyendahan sa budget ay ang paglalaan ng P10.83 bilyon para pondohan ang kasalukuyang mga road project katulad ng service contracting ng mga tsuper ng pampublikong sasakyan, active transport, modernisasyon ng mga pampublikong sasakyan, EDSA busway at rehabilitasyon ng mga terminal.

“Ang hamon ngayon ay nasa kamay ng DOTr—na magamit ang pondo nang mas mabilis at matiyak na makarating ito sa mga dapat nitong matulungan,” dagdag ni Poe.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?