63

Oct 16, 2017 @ 14:01

Poe sa DOTr: Makinig sa transport sector

Hinikayat ni Senadora Grace Poe ang Department of Transportation (DOTr) na magsagawa ng transparent consultations sa lahat ng sektor bago ipatupad ang modernization program sa public utility vehicles (PUVs).

Sinabi ni Poe na ang pagsusulong ng modernisasyon ay hindi dapat magresulta sa pagkawala ng ikabubuhay ng mga jeepney driver na kabilang sa mahihirap na sektor ng lipunan.

Iginiit ng chairperson ng Senate committee on public services, na kaisa siya sa sentimyento ng mga operator at driver na dapat unti-unti lamang ang pag-phase out sa mga jeep.

Mas kailangan aniya ang fleet management o maintenance ng mga jeep sa pamamagitan ng Motor Vehicle Inspection System.

“Kahit anong bago ng unit mo, kung hindi mo rin ime-maintain, maluluma din agad ‘yan. With the high costs involved, the PUV modernization program should be looking at sustainable modernized PUV fleets. Hindi pwedeng basta bago lang,” saad ni Poe.

Binigyang-diin pa ni Poe na dapat ituring ng DOTr na wake-up call ang dalawang araw na nationwide transport strike para makinig sa hinaing ng mga jeepney driver at operator. (Dang Samson-Garcia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?