130

Mar 15, 2020 @ 15:27
By

Poe: Moratorium ipatupad sa mga male-late ng bayad sa bills

Umapela si Senador Grace Poe sa mga mga korporasyon, bangko, at pribado at pampublikong institusyong pinansyal na magpatupad ng moratorium sa pagpapataw ng multa at kagayang imposisyon sa mahuhuling bayad ng bills at iba pang obligasyon.

Ginawa ng mambabatas ang panawagan sa gitna ng kinakaharap na krisis pangkalusugan dahil sa COVID-19 kung saan 111 kaso na ang naitala.

“Hinihingi natin ang pang-unawa at kabutihang-loob ng mga kumpanya na tiyaking walang pagkaantala ng serbisyo, pagpuputol, o pagmumulta dahil sa hindi ninais na pagkakahuli ng bayad,” sabi ni Poe sa isang statement.

Ayon sa senador, lahat naman ay gustong magbayad ng obligasyon sa oras subalit nakakaapekto ang pandemikong ito sa kondisyong pinansyal ng publiko lalo na ng mga manggagawang walang sahod kung walang trabaho.

“Sa mga may kakayahang magbayad, walang may gustong pumila nang pagkahaba-haba sa mga bangko at payment center para umabot sa taning ng pagbabayad ng bayarin,” ani Poe.

“Taliwas ito sa pagsisikap na magpatupad ng social distancing at panatilihin ang ating mga mamamayan sa kanilang tahanan para iwasang malantad sa karamdaman,” saad pa nito.

Hinikayat din ni Poe ang mga responsableng ahensya ng pamahalaan na bigyang konsiderasyon ang panukalang ito, kasama na ang makatuwirang oras para sa pagbabayad ng mga nasabing bayarin.

“Habang natutuliro ang bansa sa coronavirus, magpapatuloy tayo sa paghahanap ng mga paraan para pagaanin ang dinadala ng ating mga mamamayan at tiyaking mapapangalagaan ang kanilang kapakanan,” ayon sa senadora.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?