16

Jun 11, 2021 @ 15:27
By

Poe kinalampag mga telco: Paspasan pa trabaho

Nanawagan si Senadora Grace Poe sa mga kompanya ng telekomunikasyon (telco) na patuloy na madaliin ang konstruksiyon ng mga cell tower at paglalagay ng mga fiber optic cable, lalo na’t pinaikli na ang proseso ng pagkuha ng mga kinakailangang government permit.

“Inaasahan ng ating mga kababayang dodoblehin pa natin ang ating pagsisikap para magkaroon ang lahat ng mas mabilis at maaasahang serbisyo ng internet,” pahayag ni Poe.

Ayon sa Ookla Speedtest Global Index, ang bilis ng internet sa Pilipinas ay umakyat na sa 84th spot nitong Abril, mula sa dating 122nd spot sa katulad ding buwan noong nakaraang taon.

Ang bilis ng fixed broadband sa bansa ay tumaas sa 58.73 megabits per second (Mbps) nitong Mayo, kumpara sa 49.31 Mbps ng Abril ng taong ito. Samantala, ang mobile speed nitong Mayo ay umaabot sa 31.97 Mbps kumpara sa 29.12 Mbps noong Abril.

“Lalo nating higitan ang ating pagtutulungan upang mabigyan ng konektibidad ang lahat ng tahanan sa Pilipinas na umaasa rito para maitawid ang kanilang pamilya sa gitna ng pandemya,” saad pa ni Poe na kamakailan ay nagpaalala sa mga telco na garantiyahin ang serbisyo lalo na sa mga lugar na ‘di pa naaabot nito sa bansa.

Minamandato ng Republic Act 11494 o Bayanihan to Recover as One Act ang pagpapabilis ng proseso ng pagkuha ng mga government permit sa pagtatayo ng mga imprastraktura ng internet—mula sa dating isang taon na kasalukuyang pitong araw na lamang.

Nitong Marso 2021, 2,860 permit at clearance sa 460 lokal na mga komunidad ang naaprubahan na, ayon sa Department of Information and Communications Technology.

Target ng bansa—na sa kasalukuyan ay may 20,000 na mga cell tower—na makapagpatayo ng 50,000 na mga cell tower para mapalawak ang internet coverage.

Kasabay nito, nanawagan din si Poe sa lahat ng kabahaging ahensiya ng gobyerno at maging mga homeowners association na bigyang daan ang pagtatayo at pagkakabit ng internet infrastructure lalo na sa mga lugar kung saan ang mga estudyante at guro ay kinakailangan pang pumunta o umakyat sa mga delikadong lugar para lang makahanap ng signal.

“Dapat ipagpatuloy ang walang humpay na kolaborasyon ng lahat ng sektor kasama na ang gobyerno at lokal na komunidad,” sabi pa ni Poe.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?