By

Poe kay Duterte: Huwag kang magbibitiw

Sharing is caring!

Hindi kinagat ni Sen. Grace Poe ang alok ni Pangulong Rodrigo Duterte na magbitiw sakaling mapaamyendahan at mapaganda nito ang Konstitusyon.

Binigyang-diin ng senadora na obligasyon ng Pangulo na tapusin ang anim na taon niyang termino kahit pa maipabago nito ang Konstitusyon.
Una rito sinabi ni Pangulong Duterte na magbibitiw siya sa puwesto kapag nabago ang Konstitusyon at naging pabor para sa lahat.

Sinabi ring nais niyang maamyendahan ang Konstitusyon para magkaroon ng pagkakataon na maging Pangulo ng bansa ang mga “foundling” gaya ni Poe.

Ayon sa senadora, nagpapasalamat siya sa pagpapahalaga ng Pangulo sa mga foundlings o pulot gaya niya pero anuman ang gawin ng Pangulo sa Konstitusyon, hndi ito dapat bumitiw.

“Unang-una, ako ay nagpapasalamat sa tiwala ng ating Pangulo. Malaking bagay ‘yan personally at politically at salamat sa pagpapahalaga sa mga foundlings. Pero ang ating Pangulo ang pinili ng ating mga kababayan at dapat tapusin niya ang kanyang termino,” pahayag ni Poe.

“Kung kailangan talaga natin magkaroon ng Charter change, sabi ko nga dapat hindi padalos-dalos at siguro pagkatapos na ng kanyang termino,” dagdag pa nito.

Binigyang-diin naman nito na kahit hindi maamyendahan ang Konstitusyon, kinilala na ng Korte Suprema ang kanyang karapatan at ng mga tulad niyang foundling na kumandidato sa pagka-pangulo. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?