195

Feb 7, 2020 @ 20:23
By

Poe: ABS-CBN pwedeng magpasaklolo sa NTC

Sa surprise birthday party ni Lovi Poe na inihanda ng kanyang manager na si Leo Dominguez, isa sa mga dumalo ay si Sen. Grace Poe.

Natanong ang senadora sa kanyang opinyon sa napipintong pagsasara ng ABS-CBN na magpahanggang ngayon ay nasa balag ng alanganin ang renewal ng prangkisa.

Kung hindi maaksyunan ng Kongreso, hanggang Marso na lamang ngayong taon maaaring umere ang ABS-CBN.

Aniya, hangga’t hindi umaaksyon ang nasa Lower House, wala ring magagawa ang Senado kahit karamihan aniya sa kanilang nasa Upper House ay pabor sa franchise renewal ng Dos.

May mga pagkakamali man umano ang Kapamilya station, marami pa rin itong natutulungan na magkaroon ng trabaho kaya’t handa siyang pakinggan ang mga plano ng istasyon sa hinaharap.

May naisip namang solusyon si Poe upang umarangkada na ang hearing para sa Dos.

Sa budget deliberation ay maaari umanong mapag-usapan ito ng Kamara at ng Senado.

Kung nag-expire na umano ang kontrata ng ABS-CBN at wala pa ring pagkilos sa Kamara, maaaring humiling ng provisional permit to operate ang istasyon mula sa National Telecommunications Commission (NTC).

‘Yun nga lang, hindi rin umano siya sigurado na mapagbibigyan nga ito ng naturang ahensiya ng gobyerno.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?