39

Nov 17, 2021 @ 18:50
By

Poe abangers sa 200 mbps internet speed sa gobyerno

Inaabangan na umano ng mga tao ang ipinangako ng gobyerno na 200 megabits per second (Mbps) internet speed para sa mga ahensiya ng gobyerno kapag nakumpleto na ang Phase 1 ng National Broadband Plan (NBP), ayon kay Senadora Grace Poe.

“We expect that by February 2022, we will actually feel the 200 Mpbs speed as committed by the government,” pahayag ni Poe sa kanyang interpelasyon sa panukalang badyet ng Department of Information and Communications Technology (DICT).

“Like the invention of electricity over a century ago, broadband technology is the key to jobs, economic growth and better way of life as we cope with the pandemic,” dagdag nito.

Sabi ni Poe, chairman ng Senate committee in public services, patuloy na susuporahan ng Senado ang NBP na naglalayong palakasin ang kalidad ng koneksiyon ng internet sa bansa.

Mula sa interpelasyon ni Senador Ronald dela Rosa, sponsor ng panukalang 2022 budget ng DICT, napag-alaman na ang Phase 1 ng programa ay inaaahang matatapos na sa Pebrero sa susunod na taon. May tatlong bahagi ang programa.

Sa pamamagitan nito, madaragdagan ang internet speed sa mga tanggapan ng gobyerno ng hanggang 200 mbps sa National Capital Region, Region 1, Region 3 at bahagi ng Region 2.

Ang average fixed broadband download speed sa kasalukuyan ay 70 mbps at 22 mbps para sa mobile downloads.

“We commend the effort of the agency and I think the telcos are also ramping up the improvements they need to do, knowing that many are working from home,” sabi ni Poe.

Isinulong din ni Poe ang probisyon para sa libreng WiFi connection sa State Universities and Colleges para matugunan ang koneksiyon na kailangan ng mga estudyante at guro.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?