62

Feb 23, 2020 @ 17:50
By

PNR nababahala na sa pambabato sa mga tren

Tila hindi tumatalab ang pakiusap ng pamunuan ng Philippine National Railways (PNR) sa mga pasaway na naninirador at nambabato sa mga bagon ng tren.

Muli kasing naganap ang pambabato kaya kinatatakutan na ng mga pasahero ang lamat sa salamin na posibleng makasakit sakaling tuluyan itong mabasag.

Una nang nagbigay ng pahayag si PNR General Manager Junn Magno na respetuhin sana at huwag namang gambalain ang mga biyahe ng PNR para hindi maantala ang mga pasaherong papasok sa at magsisiuwian mula sa trabaho.

Ayon sa report, muling naganap ang pambabato sa parte ng Muntinlupa City noong February 16 kung saan isang pasahero ang nagtamo ng maliit na sugat matapos mabasag ang salamin ng tren dahil sa lamat na dulot nito.

Sa ngayon, nangangamba ang mga pasahero at pamunuan ng PNR sakaling tuluyan nang mabasag ang salamin nito kahit pa yari ito sa fiberglass. Tirador umano ang ginagamit at bato ang nakakasira ng salamin ng tren.

Tiniyak naman ni PNR officer-in-charge Jocelyn Geronimo na tirador ang ginamit dahil tumatagos ang bato at nagkaroon ng butas ang salamin.

Sa kabila ng pangyayari ay nakatakdang makipag-ugnayan ang pamunuan ng PNR sa mga awtoridad para maiwasan ang pananamantala ng mga pasaway na residenteng nambabato ng tren at para managot ang mga ito kung kinakailangan.

“Nakikipag-coordinate kami sa local government, particularly sa barangay upang matulungan din kami na matigil itong mga pambabato,” ayon pa kay Geronimo.

Matatandaang unang nagkaroon ng insidente ng pambabato ng tren ng PNR noong January 1, 2020 kung saan ay nabasag ang windshield ng tren na binato sa may parte ng Caloocan City.

Tiniyak naman ni Magno na may nakalaang CCTV camera ang mga bagong bagon ng PNR train subalit hindi rin makukuha kung sino ang nambato, dahil tirador o slingshot ang gamit ng mga pasaway.

“Mayroon naman po kaming CCTV pero imposible nang makuhanan pa ang malayong anggulo dahil tirador ang ginagamit ng mga nambabato at hindi na siya nakikita ng CCTV, kung meron po ay magandang klase ng CCTV ang kailangan dyan,” paliwanag ng opisyal.

Hindi rin umano uubra na may magbantay sa bawat takbo ng tren kung tirador naman ang gamit ng mga pasaway at hindi rin makikita kung saan ito nagmula.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?