135

Jul 7, 2020 @ 11:22
By

PNP ‘wag pagtakpan mga abusadong pulis – ex-AFP chief

Kung hindi kayang disiplinahin ng Philippine National Police ang mararahas nitong tauhan, mas mabuti pang magbitiw na sa puwesto ang pamunuan nito.

Ito ang pahayag ni Ricardo Visaya, ang dating chief-of-staff ng Armed Forces of the Philippines at ngayo’y administrator ng National Irrigation Administration.

Binatikos ni Visaya ang nangyaring pamamaril ng Jolo, Sulu police sa apat na intelligence officer ng Army.

Sinabi niya rin na dapat ay hindi na pagtakpan ng pamunuan ng PNP ang “habitual violent incidents” na ginawa umano ng ilang baluktot na pulis.

“There have been ‘habitual violent incidents’ perpetrated by unscrupulous policemen. PNP at Camp Crame should stop covering-up for their abusive men,” wika ni Visaya sa Facebook, Hulyo 1.

“If you cannot instill discipline in your organization, it’s time for you to go!!! Have delicadeza,” aniya pa.

Sinabi niya ito kalakip ang video kung saan dumating sa crime scene ang ilang unipormadong lalaki, ginalaw ang labi ng mga yumaong sundalo at ang sasakyan ng mga ito.

Unang kinilala na pulis ang mga nasa video, pero nilinaw ni Army spokesperson Col. Ramon Zagala na mga rumespondeng sundalo ito na inaalam ang pagkakakilanlan ng mga biktima.

Aminado si Zagala na may pagkakamali sa mga sundalo sa video dahil isa sa mga ito ang nakitang nagbukas ng sasakyan bago pa dumating ang forensics team.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?