4

Nov 2, 2020 @ 12:47

PNP suportado DTI sa bantay presyo

Tutulong ang kapulisan sa Department of Trade and Industry (DTI) para ipatupad ang price freeze sa mga batayang bilihin at iba pang essential item sa mga lugar na isinailalim sa state of calamity dahil sa pananalasa ng super bagyong `Rolly’.

Sabi ni Philippine National Police (PNP) Director General Camilo Cascolan sa kanyang pahayag nitong Lunes, handa silang bantayan ang galaw ng mga presyo ng bilihin sa mga lugar na dineklarang state of calamity alinsunod sa Republic Act No. 7581 o Price Act of the Philippines.

Nabatid na bukod sa mga batayang bilihin ay sakop din ng price freeze ang mga produktong nasa ilalim ng regulasyon ng Department of Agriculture (DA) at Department of Health (DOH) katulad ng bigas, asukal, poultry at dairy product, mantika, langis, at medical supply.

Samantala, inatasan din ni Cascolan lahat ng police commander na makipag-ugnayan sa mga local government unit at sa mga ahensya ng Office of Civil Defense (OCD) sa kanilang lugar para malaman kung ano ang mga kinakailangang tulong na puwedeng maibigay ng PNP para sa kaligtasan ng publiko.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?