68

By

PNP official pinagbabaril ng riding-in-tandem

Sharing is caring!

Inooberbahan ngayon sa ospital ang isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) makaraang pagbabarilin ng ‘riding-in-tandem’ sa Quezon City.

Kinilala ni Police Inspector Nick S. Fontanilla ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ang biktima na si PSupt. Edgardo Ayson Cariaso, 52-anyos, may asawa, nakatalaga sa PNP International Affairs Service (IAS) sa Camp Crame at residente ng No. 96 Kaliraya St., Brgy. Tatalon ng nasabing lungsod.

Ang biktima ay kasalukuyang ginagamot sa De Los Santos Medical Center matapos na magtamo ng mga tama ng bala ng kalibre 45 baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Julius Cesar Balbuena, ng CIDU-QCPD, ang pamamaril ay naganap dakong alas-7:41 ng gabi sa harap ng Aaliyah’s Pizza na matatagpuan sa Kaliraya St., kanto ng Cluster 14, Brgy. Tatalon ng nasabing lungsod.

Ayon sa mga nakasaksi sa insidente, pagparada at pagbaba umano ni Cariaso sa kanyang sasakyan na kulay berdeng Honda CRV (WFK-882) nang lapitan ng ‘gunman’ at malapitang pinaputukan ng baril ng apat na beses.

“Papauwi na siya (Supt. Cariaso) at pagbaba niya sa kanyang kotse ay biglang sumulpot ang lalaki at bigla na lamang siyang pinagbabaril,” ayon sa imbestigador.

Nang duguang bumulagta ang biktima ay mabilis namang tumakas ang gunman sakay ng isang motorsiklo mula sa naghihintay na kasamahan nito na nagsilbing ‘lookout’.

Nasamsam ng SOCO team sa pamumuno ni PSr. Insp. Archimedes Tayocnog ang limang basyo ng bala ng kalibre 45 baril. Nagsasagawa na ngayon ng manhunt operation ang mga operatiba ng QCPD upaang matunton ang mga salarin.

Magugunitang nitong kamakalawa lamang, pinagbabaril din hanggang sa mapatay ng riding-in-tandem si PO3 Rufino Orian Gabis, 47-anyos, may asawa, nakatalaga sa QCPD District Headquarters Support Unit (DHSU), tubong Pagbilao, Quezon at naninirahan sa No. 12 Notredame St., Cubao Quezon City, habang sakay ng kanyang puting Toyota Fortuner (ABP-5676) sa harap ng Jolibee Fast food sa Kalayaan Avenue cor., V Luna Road, Brgy. Malaya, sa nasabing lungsod.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?