142

Oct 31, 2017 @ 17:18

PNP official na lider ng KFR, tinutugis na

Hindi pa nagpaparamdam ang opisyal ng Philippine National Police na susuko ito matapos ituro ng isang pulis na utak ng isang kidnap for ransom group at responsable sa pagpatay sa isang casino junket operator.

Ayon kay Southern Police District (SPD) director, Chief Supt. Tomas Apolinario Jr., nakikipag-ugnayan na sila sa pamilya ni Supt. Johnny Orme para hikayatin itong lumutang at depensahan ang sarili sa alegasyon ni SPO1 Benjamin Pagaringan.

Dagdag pa ni Apolinario na maging ang kanyang command group ay sinusubukan na maka-usap si Orme, na inilipat na sa Personnel Holding and Accounting Section ng SPD.

Nagresulta rin ang pagkakadawit ni Orme sa pagpatay kay Carlos Tan sa pagkakasibak sa ilang tauhan ng Paranaque City Police Intelligence Unit, na dati niyang pinamumunuan.

Diumano tambay ng mga casino si Orme, na isa ng paglabag sa batas na nagbabawal sa mga opisyal at kawani ng gobyerno na magtungo sa mga sugalan.

Nabanggit din ni Apolinario na patuloy din ang pakikipag-ugnayan nila sa PNP Anti Kidnapping Group na siyang may hawak ngayon kay Pagaringan at nakapatay sa dalawang pulis na miyembro ng sindikato ni Orme. (Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?