76

Sep 26, 2017 @ 22:55

PNP nagpalakas vs NPA attacks

Bunsod ng sunud-sunod na engkwentro ng tropa ng pamahalaan laban sa New People’s Army (NPA) nitong mga nakalipas na araw, iniutos na ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald dela Rosa sa lahat ng police stations na magsagawa ng vulnerability check.

Sa isang press briefing kahapon sa Camp Crame, sinabi ni PNP spokesman chief Supt. Dionardo Carlos, na ang pagsasagawa ng vulnerability check ay para masiguro ang kahandaan ng mga pulis na pigilan ang anumang posibleng pag-atake ng mga rebeldeng NPA.

Matatandaan na noong nakaraang linggo lamanng ay nagkaroon ng enkwentro sa pagitan ng pwersa ng pamahalaan sa NPA sa Caranglan, Nueva Ecija, at nitong nakaraang Sabado lang sa Mt. Banoy, Batangas City saan isang NPA ang patay.

Sinabi ni Carlos, partikular na ipinag-utos ni Dela Rosa ang pinaigting na information-gathering ng mga tauhan ng station intelligence unit sa lahat ng himpilan ng pulisya upang hindi ma-surprise attack ng NPA.

Sa susunod na linggo ay nakatakdang isagawa ang isang national high-level meeting sa pagitan ng lahat ng sangay ng pamahalaan na may kaugnayan sa seguridad. (Betchai Julian)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?