95

Oct 13, 2021 @ 15:35
By

PNP nag-sorry sa rider na nadamay kay Jake Cuenca

Humingi ng tawad si PNP chief Gen. Guillermo Eleazar sa delivery rider na tinamaan ng ligaw na bala sa gitna ng paghabol ng ilang pulis sa sasakyan ng aktor na si Jake Cuenca noong weekend.

“Humihingi tayo ng pasensya doon po sa nabaril, tinutulungan natin. Pero gaya ng sinabi ko nga po, nasa kanya po ‘yon, kung sakaling siya’y may reklamo sa ating kapulisan,” pahayag ni Eleazar ngayong Miyerkoles.

Dagdag pa ng PNP chief, nagpaabot sila ng tulong gaya ng medikal na atensyon sa rider.

Ang rider ay tinamaan ng ligaw na bala habang pinuputukan ng mga pulis ang sasakyan ni Cuenca, na sinasabing tinakbuhan ang mga parak matapos makabangga.

Sa huli, kahit nasapol ang rider ay nakaligtas naman ito, samantalang si Cuenca ay nahaharap sa ilang kaso. (mjd)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?