52

By

PNP may 2 ‘persons of interest’ na sa pagpatay kay Fr. Nilo

May dalawang persons of interest ang Philippine National Police (PNP) sa pagpatay kay Father Richmond Nilo nitong Linggo habang nagmimisa sa loob ng kapilya sa Brgy. Mayamot, Zaragoza, Nueva Ecija.

Iniulat mismo ni PNP Region 3 Director C/Supt. Amador Corpuz kay PNP Chief Oscar Albayalde ang impormasyon matapos siyang atasan ng hepe na bumuo ng Special Investigation Task Group para sa mabilis na paglutas sa kaso ng napatay na pari.

Tumungo si Albayalde sa Zaragoza Police Station matapos na dumalo sa Independence Day celebration sa Kawit, Cavite para kumuha ng updates sa imbestigasyon.

Iprinisinta mismo ni Corpuz kay Albayalde ang CCTV footage na nakuha mula sa barangay hall malapit sa kapilya kung saan nagmimisa si Fr. Nilo sa panahon na naganap ang krimen.

Makikita sa CCTV ang dalawang riding in tandem na patungo sa direksiyon ng kapilya, at pabalik sa pinanggalingang direksiyon makalipas ang ilang minuto.

Target na ngayon ng PNP sa kanilang manhunt operation ang dalawang itinuturing na persons of interest.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?