117

Nov 3, 2017 @ 15:27

PNP may 15-day gun ban para sa ASEAN Summit

Nagpapatupad na ng gun ban ang Philippine National Police (PNP) bilang bahagi ng pagpapahigpit ng seguridad para sa gaganaping ika-31 Association of South East Asian Nations (ASEAN) Summit.

Sa memorandum order na inisyu ni PNP Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa, iniutos ang suspensyon ng permit to carry firearms outside of residence sa loob ng 15 araw sa Metro Manila, Region 3 at Region 4A.

Inisyu ang kautusan noong Oktubre 27, epektibo noong Nobyembre 1 at tatagal hanggang Nobyembre 15.

Sinabi ni Dela Rosa na bahagi ito ng pagsiguro na ligtas ang mga pinuno ng bansa at delegado sa ASEAN Summit na gaganapin sa Metro Manila, Clark sa Pampanga at sa Los Banos sa Laguna.

Umpisa sa Nobyembre 9, darating na ang mga pinuno ng bansa at mga delegado sa pagpupulong.

Lalapag ang mga eroplano na kanilang sasakyan sa Clark International Airport at mula roon sila ihahatid sa hotel o kaya ay sa pagdarausan ng mga pagpupulong.

Sa panahon ng pag-iral ng gun ban, ang mga regular na opisyal at kasapi ng PNP, Armed Forces of the Philippines at iba pang law enforcement agency naka-uniporme at nasa oras ng trabaho ang pwedeng magdala ng baril. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?