39

Jan 3, 2022 @ 16:56
By

PNP mambubulaga sa mga establisyimento, hotel

Inatasan ni Interior Secretary Eduardo Año ang kapulisan na magsagawa ng biglaang pagbisita sa mga business establishment at quarantine hotel upang siguraduhin na ang mga ito ay sumusunod sa health protocol.

“So, nagbigay po ng direktiba si Secretary Eduardo Año na magkaroon ng random visit ang ating kapulisan sa iba’t ibang mga business establishments para po siguruhing nasusunod itong IATF (Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases) regulations na ito,” wika ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya.

“At siya po ay nagbigay din ng direktiba na bisitahin o magkaroon ng random visit sa iba’t ibang mga quarantine hotels sa buong bansa ang PNP,” aniya.

Isa sa pagtutuunan ng pansin ng kapulisan ang Metro Manila, na inilagay sa mas istriktong Alert Level 3 epektibo ngayong Enero 3 hanggang Enero 15.

Samantala, ang pagbisita sa mga quarantine hotel ay isasagawa upang masiguro na hindi na mauulit ang insidente ni Poblacion girl na lumabas mula sa kanyang quarantine upang makiparty at pagkatapos ay nagpositibo sa COVID.

“At gusto po ni Secretary Año na ito ay bisitahin ng ating kapulisan at i-check kung nandoon ba talaga iyong mga taong nasa listahan na still under quarantine at hindi pa lumalabas ang kanilang resulta ng RT-PCR para po masiguro na wala na pong—para mapigilan iyong sinasabing modus na absentee quarantine,” dagdag pa ni Malaya. (mjd)

‘Best of Sportalakan’ Sabong edition

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?