201

By

PNP: Kaso ng pagpatay sa Nueva Ecija mayor, lutas na

Ikinokonsidera ng Philippine National Police (PNP) na solved o naresolba na ang kaso sa pagpatay kay General Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote.

Sinabi ni PNP-CIDG Chief Police Director Roel Obusan, kapag naisampa na ang kaso laban sa mga naarestong suspek at nakulong ang mga ito ay ikinokonsidera na ang kasong lutas na.

Ngunit nilinaw ni Obusan na case solved lang ang kaso at hindi case closed dahil aniya hindi titigil ang binuong Special Investigation Task Group Bote hangga’t hindi naaaresto ang mga nakakalayang suspek kabilang na ang natukoy na mastermind na si Christian Saquilabon.

Sinabi naman ni PNP Chief Police Director Oscar Albayalde na ngayong araw o bukas ay maisasampa na ang kasong murder at paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Act laban sa mga suspek.

Tinukoy din ni Albayalde na dahil sa pakikipagtulungan ng komunidad kaya natukoy ang mga suspek sa pagpatay kay Mayor Bote.

Matatandaang si Mayor Bote ay pinagbabaril noong Hulyo 3 sa Cabanatuan City habang nakasakay sa kanyang sasakyan.

Away sa negosyo ang matimbang na motibong nakita ng PNP sa pagpatay sa alkalde.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?