74

Oct 7, 2019 @ 18:54
By

PNP dapat magkusa na sa lifestyle check – Palasyo

Pabor ang Malacañang na isailalim sa lifestyle check ang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) para matukoy kung sino ang mga pulis na may maluhong pamumuhay subalit hindi naman angkop sa tinatanggap na sahod.

Kasunod na rin ito ng kontrobersiyang idinulot ng sindikato ng “ninja cops” na sinasabing nagre-recycle ng mga nakukumpiskang iligal na droga.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na maganda ang ideyang lifestyle check kaya dapat kusang kumilos ang bawat departamento ng pambansang pulisya.

Hindi na aniya kailangan pang hintaying kumilos ang Presidential Anti- Corruption Commission bagkus ay magkusa na ang PNP dahil mayroon namang internal affairs ito.

“That’s a very good idea. There should be lifestyle check internally among PNP, and for that matter all heads of departments should conduct that on their own. It will help because—if you can see that there are people there who are not supposed to be having this kind of wealth, oh di may problema nga,” ani Panelo.

Maganda rin aniya ang nangyayaring “internal crack” sa hanay ng PNP dahil lumalabas ang mga iregular na aksiyon sa organisasyon, di tulad ng nagkakaisa at nagtatakipan ng kanilang lihim.

“Hindi ba mas maganda nga iyon para lumalabas iyong baho sa isang organisasyon, ‘di ba? Kung may naglalabas diyan na kontra sa isa, iyong isa lumalabas din, eh di mas mabuti. Kaysa nagkakaisa sila at nagtatago, naglilihim,” dagdag pa ni Panelo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?