99

Nov 28, 2017 @ 16:59
By

PNP chief: Walang kill order ang PNP vs drug suspects

Direkta nang nilinaw ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa sa harap ng mga mahistrado ng Korte Suprema na hindi siya nagpalabas ng “kill order” laban sa mga drug suspect.

Ito ay sa kanyang pagdalo sa ikalawang araw ng oral arguments sa Korte Suprema kaugnay sa mga petisyong kumukuwestiyon sa constitutionality ng Anti-Drugs Operations ng PNP.

Sa pagtatanong ni Associate Justice Marvic Leonen, nilinaw din ni Dela Rosa na malawak ang kahulugan ng “neutralize” sa kinukuwestiyong memorandum circular ng PNP na pinagbatayan ng Project Tokhang at Project High Value Target.

Ayon kay Dela Rosa, ang neutralize ay maaring mangahukuhan ng pag-aresto, pagsuko at kung manganganib ang buhay ng mga pulis sa operasyon, maaring ang neutralize ay mangahulugan ng pagpatay.

Sumalang din sa interpelasyon ni Leonen si PNP-Internal Affairs Service Inspector General Atty. Alfegar Triambulo.

Ayon kay Triambulo, may kapangyarihan ang PNP-IAS na magsagawa ng “motu propio” investigation sa mga police operation na hinihinalang may naganap na paglabag sa karapatang pantao.

Sinabi ni Triambulo na mula July 2016 hanggang November 2017 ay umaabot na sa 2,657 police operation na nagresulta sa pagkamatay ng 3,800 drug suspect ang namonitor at naaktuhan ng PNP-IAS.

Mula sa nasabing bilang, umaabot na sa 1,489 fact finding investigation ang nakumpleto.

Aabot naman sa 819 kaso na isinalang sa pre-charge investigation ang naresolba na.

Mula naman sa 321 kaso na isinailalim sa summary dismissal proceedings, 177 dito ang naresulba na.

Noong 2016, 18 pulis ang hinatulan na dapat managot, at ngayong 2017, 159 ang hinatulang guilty.

Pitumpu’t dalawa sa mga pinarusahan ay pinatawan ng dismissal, 20 naman ang demoted o bumaba ang ranggo at 31 ang sinuspinde.

Kinumpirma rin ni Triambulo na iniimbestigahan na ng PNP-IAS ang ilan sa mga pulis na napangalanan sa Almora at Daño petitions. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?