60

Nov 29, 2017 @ 19:47
By

PNP chief, iginiit na ‘di paninira ang pagkasangkot ng NBI sa kidnapping

Iginiit ni PNP Chief Ronald dela Rosa na hindi niya sinisiraan ang National Bureau of Investigation (NBI) matapos ang kanyang pahayag na may ilan umanong NBI agents ang sangkot sa pangingidnap sa apat na Koreano sa Angeles City, Pampanga.

Ayon kay Dela Rosa, ang kanyang pahayag ay mismong sinabi ng primary suspect sa pagdukot at hindi niya ito gawa-gawa lamang.

Giit pa ng hepe, dapat hindi pinagtatakpan ang mga kasamahan kung talagang may pagkakamali dahil bahagi aniya ito ng umiiral na internal cleansing at para sa tinatawag na good governance.

“Sabi ko nga sa kanila kung merong pulis na involved hindi man ako nahihiya na may pulis na involved. Please kung may pulis na involved sa kalokohan upakan n’yo. After all we are after internal cleansing, after good governance na gusto natin maayos, gobyerno na hindi masira,” sabi ni General Bato.

Sinabi pa nito na kapag sa hanay ng PNP ang nasasangkot sa katiwalian hindi niya ito ikinakahiya at sa katunayan ay pinapaupakan pa niya ito.

Nasasaktan man daw siya sa pagkakasangkot ng ilang pulis sa katiwalian, hindi niya kailanman pagtatakpan ang mga ito.

Humingi naman ng pasensiya ang opisyal sa pamunuan ng NBI at sinabing makikipag-usap sa mismong hepe ng NBI. (Red Fortaleza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?