65

May 3, 2019 @ 15:13
By

PNP, CBCP kapit-bisig sa seguridad ng mga simbahan at pari

Nagkaisa ang Philippine National Police (PNP) at ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) para matiyak ang seguridad ng mga Simbahan at mga pari.

Nagpulong ang mga opisyal ng PNP at Simbahang Katolika noong Huwebes kaugnay sa ilalatag nilang paghahanda para sa May 13 national at local elections.

Ayon kay PNP Directorate for Community Relations P/Major Gen. Benigno Durana Jr., isang pari sa bawat diyosesis ang aatasang makipag-ugnayan sa PNP para matiyak ang kaligtasan ng mga Simbahan.

Napagkasunduan na aniya ito ilang linggo pa lang ang nakalilipas matapos ang serye ng mga pag-atake sa mga simbahan at hotel sa Sri Lanka noong Easter Sunday, April 21.

Idinagdag ni Durana na gagawin din nila ang kanilang tungkulin na tiyakin ang seguridad ng mga opisyal ng Simbahan kahit tinatanggihan ito ng ilang obispo.

Partikular aniya rito ang mga obispong nakakatanggap ng mga pagbabanta sa kanilang buhay.

Giit ng opisyal, mandato ng PNP na siguruhin ang kaligtasan ng lahat kahit pa ng mga nagkasala sa batas.

Hiniling din ni Durana ang suporta at panalangin ng Simbahan upang maging maayos, mapayapa, malinis at tapat ang halalan sa Mayo 13.

Dumalo sa nasabing pagpupulong sina NCRPO director Maj. Gen. Guillermo Eleazar, PPCRV chairperson Myla Villanueva at CBCP Public Affairs Committee Executive Secretary Father Jerome Secillano.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?