86

Jul 5, 2019 @ 17:14
By

PNP bukas sa imbestigasyon ng CHR sa pagkamatay ng 3-anyos

Bukas ang Philippine National Police (PNP) sa imbestigasyon ng Commission on Human Rights (CHR) sa pagkamatay ng 3-anyos na batang babae sa naganap na buy-bust operation sa Rodriguez, Rizal ng nakaraang Sabado.

Ayon kay PNP Spokesperson Police Colonel Bernard Banac, hindi binabalewala ng PNP ang pagkamatay ng mga inosenteng sibilyan sa war on drugs ng PNP.

Ayon sa CHR, bagama’t suportado nila ang war on drugs, hindi sila pabor sa ganitong uri ng tinaguriang “collateral damage” sa mga operasyon ng PNP at dapat masusing imbestigahan ng PNP ang bawat kaso ng pagkakapatay sa mga sibilyan.

Binigyang-diin ni Banac, na may rules of engagement silang sinusunod sa war on drugs at ang mga pulis na mapatunayang lumabag dito ay pinapanagot.

Sinabi pa ni Banac na hindi rin nila kagustuhan ang pagkakamatay ng bata at magkakaroon ng patas na imbestigasyon sa insidente.

Ito aniya ang dahilan kung bakit ni-relieve ang chief of police ng Rodriguez, Rizal kasama ang 20 pang pulis na sangkot sa operasyon habang iniimbestigahan ang insidente.

Magugunitang ang 3 taong gulang na si Myca Ulpina ay napatay matapos tamaan ng ligaw na bala nang gawin umano siyang human shield ng kanyang amang drug suspect na si Renato Ulpina habang nakikipagbarilan sa mga pulis.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?