8

Aug 4, 2020 @ 12:19
By

PNP: 3 araw na wala munang pag-aresto sa MECQ violator

Wala munang mangyayaring pag-aresto sa mga indibidwal na lalabag sa mga health safety protocol ngayong binalik ang modified enhanced community quarantine (MECQ) sa National Capital Region (NCR) at mga karatig lalawigan.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Director General Archie Gamboa, tatlong araw ang kanilang palugit para para bigyan ng babala ang mga lalabag sa MECQ.

Ibig sabihin nito, puro pagsita lang muna ang gagawin sa mga quarantine violator bilang warning sa kanila.

“Alam niyo mahirap din kasi parang nagsimula tayo sa una, so magsimula din muna tayo sa warning. Bibigyan natin ang publiko ng strict warning on the first initial days of violation,” pahayag ni Gamboa sa isinagawang press briefing sa Camp Crame Martes ng umaga.

Kasunod nito, muling nagpaalala si Gamboa sa mga pulis na nagbabantay sa mga checkpoint na pairalin ang maximum tolerance o mahabang pasensya para sa mga nagrereklamong indibidwal lalo na kapag babae at matatanda.

Para naman maiwasan ang tensyon, hiniling ni Gamboa sa publiko huwag udyukan ang mga pulis dahil maaaring kasuhan sila ng disobedience at paglabag sa mga health safety protocol.

“Reminder ko lang is maximum tolerance on the part of the PNP especially the women and elderly kung may lalabas man na elderly kasi merong exceptions na may lalabas na age ay 60. So maximum tolerance and then sana naman the public will cooperate para hindi na mapilitan ang PNP na mag-impose ng regulations,” pakiusap ni Gamboa sa publiko.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?