363

Jun 25, 2021 @ 19:35
By

PNoy namatay na broken-hearted – kaibigang pari

Broken-hearted umano si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III bago ito pumanaw noong June 24, ayon sa kaibigan niyang pari.

Sinabi ito ni Fr. Jose Ramon Villarin sa kanyang homiliya sa misang isinagawa para kay Aquino sa Church of Gesu sa Ateneo de Manila nitong Biyernes.

Aniya, nagkaroon sila ng pagkakataong makapag-usap ni Aquino sa pamamagitan ng text matapos ang operasyon sa puso ng huli noong Mayo.

“Sabi niya, ‘The heart got enlarged because it was working so hard to remove the fluid because efficiency was down due to the blockage.’

“Sumagot ako, ‘Kaya pala, stout-hearted ka, matabang puso. Sige, now the heart can rest, kung makina pa ‘yan, nag-overheat na or kumatok dahil barado ang karburador. Pahinga ka pa at hayaan mong humilom ang puso’,” wika ni Villarin.

“Akala ko tapos na, sumagot na naman, sumagot siya sa text. Sabi niya, ‘Yong isang klaseng broken heart, hindi kaya dito’,” wika ni Villarin.

Naniniwala si Villarin na ang ibig sabihin ni Aquino ay ang pagiging broken-hearted nito na hindi kayang gamutin ng mga doktor.

May mga pagkakataon daw na inamin ni Aquino sa kanya at kay Cardinal Luis Antonio Tagle ang mga tampo niya sa Simbahan pati na sa mga Heswita, mga isyu nito sa sistema ng katarungan at sa kupad ng pagtakbo ng pag-unlad ng bansa.

“Kung broken-hearted si Noynoy, alam kong dahil din ito sa hati ang puso ng bayan. Ang dalamhati ng bayan siya ring dala-dala ng taong ito. Ang broken heart ng taong ito, nasobrahan din ng broken heart ng taumbayan. Ang broken heart ng bayan ay lalo pang nagagasgasan ng kagaspangan ng kung ano-anong dahas na walang pinagpipitagan,” sabi pa ni Fr. Villarin.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?