114

Oct 27, 2017 @ 18:08

PNoy, aktibo na ulit sa FB, Twitter!

Makalipas ang halos isang taon ay muling naging aktibo sa Twitter si dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III.

Sa kanyang pagbabalik-Twitter ay nag-post ang dating presidente ng kanyang larawan sa ginawang pagbisita sa Royal Thai Embassy para magbigay ng respeto sa namayapang hari ng Thailand na si King Bhumibol Adulyadej.

Ang huling post nito ay noong Hunyo 29, 2016 pa, isang araw bago ito bumaba sa kanyang puwesto sa Malacañang.

Mayroong 3.11 million followers si dating Pangulong Aquino at inaasahang madadagdagan pa ito ngayong aktibo na itong muli sa social media.

Bukod sa Twitter ay mayroon din itong Facebook account kung saan mas marami ang followers nito na umabot sa 4.17 milyon.

Huling post naman ng dating pangulo sa kanyang FB ay noong Hulyo 27, 2016 nang magsama-sama ang limang mga naging presidente at kasalukuyang pangulo sa pulong ng National Security Council.

Muling nakita ang post ni Aquino noong Enero 26, 2017 at binasag ang pangakong mananahimik ng isang taon para sagutin ang mga maaanghang na pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa isyu ng SAF44. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?