11

Jan 21, 2021 @ 11:41
By

PM, ALU: Presyo ng pagkain ibaba!

Sa Metro Manila, ang presyo ng kada kilo ng karne ay katumbas na sa pitong oras ng trabaho ng isang minimum wage earner.

Sa labas naman ng rehiyon, ang halaga ng isang kilo ng karne ay mas mataas pa sa minimum wage, punto pa ni Partido Manggagawa (PM) president Rene Magtubo.

Ang isang kilo naman aniya ng repolyo, talong, sitaw o ampalaya ay nagkakahalaga ng tatlong oras na trabaho, habang ang bawat kilo ng galunggong ay katumbas ng minimum na sahod para sa kalahating araw na trabaho.

P537 ang nakasaad sa batas na daily minimum wage sa Metro Manila pero kapag sinama na sa pagkalkula ang inflation, bababa ito sa P434 (real daily minimum wage).

Samantala, sa Bicol naman ay P310 (nominal daily minimum wage) at P234 (real daily minimum wage) habang sa Central Luzon ay P420 at P333.

Wika ng PM president, nakasaad sa PSA price monitoring report na kumpara noong Enero 2020, ang presyo ng karne at gulay ngayong buwan ay umakyat nang 50% hanggang 275%.

Samantala, sinabi ni Associated Labor Unions (ALU) vice president Gerard Seno na nagalit ang mga manggagawa sa pagsirit ng presyo ng pangunahing food items gaya ng bigas, gulay, karne, at LPG.

Kaya naman, nanawagan ang ALU sa Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) na pababain na ang presyo nitong mga pagkain sa “reasonable levels.”

Saad pa ni Geno, natukoy na ng gobyerno ang mga rason kaya tumataas itong mga presyo, kaya dapat i-level up na ng DA at DTI ang pagpapatupad sa price regulation para maprotektahan ang mga konsyumer laban sa “profiteers, supply hoarders, and middlemen.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?