146

Dec 1, 2017 @ 11:57
By

Plunder case, pinababasura ni Revilla sa Sandigan

Muling humirit si dating Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. sa Sandiganbayan na ibasura ang kasong plunder laban sa kanya dahil sa kawalan ng ebidensiya.

Sa 57-pahinang mosyon, iginiit ni Revilla sa anti-graft court First Division na base sa mga ebidensiyang nakalap ng Office of the Ombudsman, tanging ang kanyang chief of staff na si Richard Cambe at negosyanteng si Janet Lim-Napoles ang magka-transaksiyon sa P224.5-million na pork barrel scam.

Laman ang mga argumentong ito sa kahilingan ni Revilla, sa pamamagitan ng kanyang abogadong si dating Solicitor General Estelito Mendoza, na payagan siyang mag-leave para makapaghain ng demurrer at mapalaya sa kulungan.

Inakusahan ang dating senador na tumanggap ng kickbacks sa pamamagitan ni Cambe, kapalit ng pag-endorso sa mga non-government organizations ni Napoles para sa mga proyektong pinondohan ng kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF).

Ayon kay Revilla, ang tanging responsable sa ghost projects ay si Benhur Luy at iba pang whistleblowers na nasa ilalim ng pamamahala ni Napoles.

Binigyang-diin nito na walang anumang ebidensiya na magpapatunay na sangkot siya sa scam o tumanggap ng kickbacks na sinasabing kinuha ni Cambe para sa kanya.

Matatandaang sa pagtestigo ni Leigh Von Santos, bank officer ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), ay kinumpirma nitong may P87.6 milyon na mga deposito sa bank accounts ng pamilya Revilla mula 2006 hanggang 2010 na ginawa sa loob ng 30 araw mula sa mga petsa kung kailan tinanggap umano ng dating senador ang mga komisyon base sa nakalista sa ledger ni Luy.

Pero sagot ni Revilla, walang naging hakbang ang AMLC para hilingin sa Court of Appeals na i-freeze ang bank accounts niya o kanilang pamilya patunay na walang kahina-hinala sa mga deposito. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?