6

Plebesito para sa ratipikasyon ng BOL, gagawin sa Enero, Pebrero

Sharing is caring!

Naglaan ng dalawang petsa ang Commission on Elections (Comelec) para sa pagdaraos ng plebisito para sa ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law (BOL).

Ayon sa Comelec, layunin nito na mabigyan ng pagkakataon ang pagpapalabas ng resolusyon sa mga petisyon kaugnay ng boluntaryong pagpapasailalim sa plebisito.

Para sa mga lugar na sakop ng Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) kabilang na ang Isabela City sa Basilan at Cotabato City, itinakda ang plebisito sa January 21, 2019.

Para naman sa mga lalawigan ng Lanao del Norte maliban sa Iligan City, sa mga Bayan ng Aleosan, Carmen, Kabacan, Midsayap, Pikit at Pigkawayan sa North Cotabato at iba pang lugar na malapit sa Bangsamoro core areas, idaraos ang plebisito sa February 6, 2019.

Sa kasalukuyan, nasa 99 ang nakabinbing petisyon para mapasama sa bubuuing Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindananao sa ilalim ng BOL.

Ang BOL o Republic Act 11054 na nilagdaan bilang batas ni Pangulong Duterte noong July 26, 2018 ay kinakailangan pang dumaan sa plebisito kung saan pagbobotohan ng mga rehistradong botante sa mga lugar na balak saklawin ng Bangsamoro Autonomous Region kung nararapat ba itong ratipikahan o pahintulutan.

Sa ilalim ng batas, dapat maisagawa ang plebisito sa pagitan ng 90 hanggang 150 araw magmula nang mapirmahan ito bilang ganap na batas.

Isinusulong ng batas ang pagbuo ng autonomous political entity na Bangsamoro Autonomous Region na papalit sa kasalukuyang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?