84

Jan 21, 2021 @ 20:55
By

PLDT nireklamo sa dagdag-bayad sa mabilis na internet

Pinaaaksiyonan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa National Telecommunications Commission (NTC) ang mga reklamo laban sa internet service provider na PLDT.

Sa press briefing sa Malacañang, ipinarating kay DICT Undersecretary Manny Caintic ang reklamo ng mga PLDT customer na nakatanggap sila ng abiso sa kompanya na kinakailangan nilang mag-upgrade at magdagdag ng bayad para magtuluy-tuloy ang mabilis nilang internet service.

Natapos na umano ang trial para sa mabilis na internet service kaya kinakailangang magdagdag ng bayad kundi ibabalik sila sa mabagal na internet service.

Sinabi ni Caintic na ngayon lamang nila narinig ang ganitong impormasyon kaya dapat na tingnan ito ng NTC.

Kung tutuusin aniya ay hindi dapat na magtaas ng singilin sa internet service ang PLDT dahil pinapalakas dapat nito ang kanilang serbisyo.

“I will ask the NTC to look into this from their customer’s complaint section. This is the first time I’ve heard about it,” ani Caintic.

Batay sa reklamo ng ilang customer ng PLDT, hindi umano sinabi sa kanila na trial o promo ang mabilis na internet speed at nagulat na lamang sila dahil makalipas ang ilang buwan ay inabisuhan silang tapos na ang trial at kinakailangan umanong mag-upgrade ang mga ito kung nais na magpatuloy ang mabilis na internet service.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?