76

Oct 23, 2017 @ 17:21

PLDT-Globe buyout sa SMC telcos assets, aprub sa CA

Pinagtibay ng Court of Appeals (CA) ang joint acquisition o pagbili ng Globe Telecoms at Philippine Long Distance Company sa isang subsidiary ng San Miguel Corporation na ang negosyo ay may kinalaman sa internet connection.

Ang bentahan na nagkakahalaga ng P69.1 billion ay nangyari noong Mayo ng nakaraang taon.

Sakop ng nasabing transaksyon ang pagbili sa Vega Telecom Incorporated na subsidiary ng San Miguel ng PLDT at Globe

Dahil dito, kontrolado na ng PLDT at Globe ang LTE frequency na 700 Megahertz na dating hawak ng San Miguel.

Sa 54-pahinang desisyon ng CA Former 12th Division na isinulat ni Associate Justice Ramon Bato, kinatigan ng appellate court ang petisyon ng PLDT at Globe at inatasan ang Philippine Competition Commission (PCC) na itigil ang imbestigasyon nito sa kontrata ng nangyaring bentahan.

Ayon sa CA, nakitaan nila ng pagmamalabis o grave abuse of discretion ang imbestigasyon ng PCC.

Tinukoy ng CA na ang bentahan ay nakatalima naman sa rekisito ng PCC na nagtatakda na kung ang halaga ng bentahan ay aabot sa mahigit P 1 bilyon, kinakailangang abisuhan ng mga partido ang PCC kaugnay sa transaksyon.

Sapat na umano na nagawang maabisuhan ng mga partido sa bentahan ang PCC ng sapat na impormasyon tungkol sa transaksyon.

“By providing that the submission of the required information in the transitory rules will already render a transaction with a ‘deemed approved’ status, it is clear that mere submission of sufficient information within the period thereof already brings forth the mandatory duty upon PCC to recognize the status of a transaction deemed approved,” bahagi ng desisyon ng CA.

Hindi rin umano tama na busisiin o baligtarin ng PCC ang inilaang radio frequency ng National Telecommunications Office (NTC) dahil wala naman ito sa kapangyarihan ng PCC.

Ang PCC ay nakatuon lamang dapat sa aspeto ng kumpetisyon na kaakibat ng bentahan.

Kasabay nito, ibinasura rin ng Court of Appeals ang motion for intervention o mosyon para maging partido sa kaso na inihain ng grupong CitizenWatch na kumukuwestiyon sa nasabing bentahan. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?