2,156

Oct 28, 2018 @ 17:30
By

Playboy tinarget ang ulo

“Babaero ‘yan!” – Ito umano ang isinigaw ng hindi pa nakilalang gunman nang malapitang paputukan ng baril ng dalawang ulit sa ulo ang 41-anyos na lalaki habang kumakain sa loob ng isang karinderya sa Quezon City, ayon sa ulat ng pulisya.

Kinilala ni P/Insp. Nick S. Fontanilla ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang biktima na si Jake Oporto Ong, messenger ng electro-bill at residente ng No. 29 Magsaysay St., Brgy. San Agustin ng nasabing lungsod.

Siya ay namatay noon din sanhi ng tinamong dalawang tama ng bala ng hindi pa malamang kalibre ng baril sa kanang pisngi at ulo.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Rhic Roldan L. Pittong, ng CIDU-QCPD, ang krimen ay nangyari dakong alas-9:30 ng umaga (October 27) sa Kainan Karinderya na matatagpuan sa No. 345 E. Beltran St., Brgy. Katipunan, QC.

Kumakain umano ng agahan ang biktima kasama ang dalawang kaibigan na nakilalang sina Andrew Ramirez at Jayrus Sara nang lapitan ng lalaki na armado ng baril at matapos na bitiwan ang salitang “Babaero ‘yan!’ ay saka pinaputukan ng baril ng dalawang ulit sa ulo si Ong.

Nang duguang bumulagta at masigurong patay na ang biktima ay tila walang nangyari at naglakad palabas ng karinderya ang suspek at sumakay sa kanyang getaway motorcycle dala ang armas na ginamit sa pamamaslang.

Hindi naman nagawang habulin ng dalawang kasamahan ng biktima at maging ng iba pang mga kumakain sa karinderya ang salarin sa takot na madamay sila.

Nasamsam ng SOCO team sa pamumuno ni PChief Insp. Theresita Manalastas sa crime scene ang isang fired catridge case, at isang deformed fired bullet.

Masusing iniimbestigahan pa ng pulisya kung ang suspek ay isang ‘hired killer’ o siya mismo ang inagawan ng babae ni Ong dahil sa binitiwan nitong pananalita bago binaril ang biktima.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?