78

Sep 12, 2020 @ 18:47
By

Plastic barrier sa jeepney ‘di utos ng DOTr, LTFRB

Nilinaw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ang paglalagay ng mga harang na plastic sa mga traditional jeepney para magkaroon ng distancing sa mga pasahero ay hindi mandatory.

Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra III nitong Sabado, walang inilabas na polisiya ang gobyerno tungkol doon.

“Patungkol naman din po sa plastic barrier that separates the passengers, I would just like to clarify na ‘yung policy na binaba po ng DOTr at saka sa LTFRB patungkol sa plastic barriers, this is actually in relation to the plastic barrier that separates the driver from the passenger,” saad ni Delgra sa isang DOTr press conference.

“So wala pong official statement ‘yung LTFRB, DOTr or even the IATF regarding doon sa plastic barriers between passengers,” dagdag niya.

Sa kabila nito, hindi nila sinasabing alisin iyon ng mga jeepney driver kung sa tingin ng mga ito ay makatutulong ang plastic barrier para maiwasan ang hawaan ng COVID-19.

“Kung nakakatulong, e di itutuloy. Pero hindi po polisiya ng LTFRB o DOTr ‘yung plastic barrier na itinalaga in between passengers,” punto ni Delgra.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?