18

Apr 22, 2021 @ 13:24
By

Plastic ban tututukan ng Kamara

Binigyan-diin ni Speaker Lord Allan Jay Velasco ang kahalagahan na maaksyunan ang problema sa basurang plastik na napatunayang nakarating na maging sa malalim na bahagi ng karagatan.

“We should be more determined and proactive in eradicating plastic pollution. We are racing against time to save our planet,” sabi ni Velasco na nakiki-isa sa pagdiriwang ng Earth Day.

Ayon kay Velasco kamakailan ay nakarating si Dr. Deo Florence Onda, isang microbial oceanographer mula sa University of the Philippines-Marine Science Institute sa Emden Deep, ang ikatlong pinakamalalim na lugar sa mundo.

Ikinagulat ni Onda na mayroong basurang plastik sa lugar na ito na hindi nasira sa kabila ng malakas na pressure sa lalim na 10,045 metro.

“Indeed, pollution has reached the deepest recesses of nature, which is God’s gift for all of humanity,” wika ni Velasco. “This is an alarming reality that should serve as a wake-up call for the entire humanity.”

Batay sa datos ng International Union for Conservation of Nature (IUCN), sinabi ni Velasco na mahigit sa 300 milyong tonelada ng plastik ang nalilikha sa buong mundo kada taon at mahigit sa 8 milyong tonelada ang napupunta sa karagatan.

Ang kasalukuyang pandemya ay dumagdag pa umano sa basura dahil sa pangangailangan na gumamit ng personal protective equipment upang hindi mahawa ng COVID-19.

Sinabi ni Velasco na kaisa ang Kamara de Representantes sa paghahanap ng solusyon sa problema, isa na rito ang pagpasa ng panukala na magbabawal sa paggawa at paggamit ng mga single use plastic.

“The measure also provides steps for the eventual phasing out of single-use plastic products, a step that is from all accounts, one in the right direction,” dagdag pa ni Velasco na isa sa mga sumususog sa pagpasa ng panukala.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?