81

By

Plantasyon ng marijuana, nadiskubre sa roof deck

Pinaghahanap ng San Juan Police ang dalawang Chinese national matapos mabuking ang marijuana plantation sa roof deck ng apat na palapag na apartment sa Barangay Batis, San Juan City, Huwebes ng gabi.

Batay sa nakalap na report mula kay Col. Jaime Santos, hepe ng San Juan Police, nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act sina Aaron Huang na nangungupahan sa buong ikaapat na palapag na apartment na pag-aari ni Ming Uy.

Ayon sa report, isang tenant ng apartment ang nagsumbong sa Barangay Batis kaugnay sa kahina-hinalang kilos ng mga tenant sa kanilang inuupahang apartment na kung saan palagi umanong binibisita ito ng mga Chinese national.

Isa pa rito ang isyung nawalan ng supply ng tubig ang apartment na kung saan ay hindi nabayaran ang P6,000 na bill nito at doon na natuklasan na may nagaganap pa lang taniman ng ‘damo’ sa apartment at agad na itinimbre sa Police Community Precinct 3.

Ikinasa ang surveillance hanggang sa magpositibo bandang alas-6:30 ng gabi (Setyembre 19) dala ang search warrant na inilabas ni Judge Danilo Cruz ng Pasig RTC Branch 152.

Wala ang mga tenant na Chinese national ng rooftop nang pumunta ang mga tauhan ng San Juan Police at Eastern Police District sa pangunguna si Director BGen. Johnson Almazan at mga taga-PDEA.

Nadiskubre sa loob ng apartment ang bulto-bultong marijuana at taniman ng high-grade kush maging ang high technology na dryer.

Wala pang tiyak na halaga at bilang ng mga nasabat na tanim na marijuana ang inilabas ng PDEA.

Sinabi pa ni Col. Santos na inirereklamo din ng may-ari ng apartment ang mataas na Meralco bill nito na umaabot sa P29,000 kada buwan na lubhang kahina-hinala na dahil na rin ito sa electric dryer na gamit sa pagpapatuyo ng mga high-grade marijuana.

Kaugnay nito, nakita mismo ni San Juan Mayor Francis Zamora ang marijuana plantation at laboratory kung saan nadismaya ang alkalde dahil hindi niya akalain na magkakaroon ng plantasyon sa loob ng isang apartment.

“Kalaban natin ang droga, hindi ako papayag na mayroong ganito sa San Juan. Ito ay isang babala laban sa mga nag-iisip magbenta at magpaikot ng droga sa San Juan, huhulihin natin sila,” ayon kay Mayor Zamora.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?