97

Mar 15, 2021 @ 18:26
By

Planong pagsibak kay Romualdez totoo – Defensor

Totoo umano ang plano na tanggalin bilang House Majority Leader si Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez, ayon kay Anakalusugan Rep. Michael Defensor.

“The move to take out Martin Romualdez is real,” ani Defensor.

Kung itutuloy umano ang plano, malinaw na pagsuway ito sa gentleman’s agreement na binuo ni Pangulong Rodrigo Duterte bago ang speakership election noong 2019.

“If that happens, then the gentleman’s agreement is off. Speaker Lord has once again destabilizes and further divides the House,” ani Defensor.

Matapos ang 2019 elections, tatlong pangalan ang lumutang sa pagka-speaker. Sina Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano, Velasco at Romualdez.

Upang hindi na maglaban-laban ay nabuo ang gentleman’s agreement sa tulong ni Duterte. Napagkasunduan na uupo si Cayetano bilang speaker ng 15 buwan at si Velasco sa nalalabing 21 buwan ng 18th Congress.

Si Romualdez naman ang magiging majority leader hanggang sa dulo ng 18th Congress.

Itinanggi naman ni House Senior Deputy Speaker Salvador Leachon ang umano’y planong pagsibak kay Romualdez.

“It’s not true. Sana alam ko kung totoo. No reason at all because relationship with ML Martin has been so far professional & untainted,” ani Leachon.

Lumutang ang balitang pagsibak kay Romualdez matapos na tanggalin ni Velasco sina Zamboanga Sibugay Rep. Wilter ‘Sharky’ Palma bilang Deputy Majority Leader at Quezon City Rep. Anthony Peter ‘Onyx’ Crisologo bilang Assistant Majority Leader.

Si Palma ay umalis matapos umanong hindi mapigilan si Defensor na mag-privilege speech kaugnay ng P20 bilyong pondo na inalis sa Pension and Gratuity Fund ng retired military and uniformed personnel sa ilalim ng 2021 national budget.

Ang pagtanggal sa P20 bilyon, na inaangalan ng Department of Budget and Management ay nangyari sa ilalim ng liderato ni Velasco.

Si Crisologo naman ay inalis ilang araw matapos nitong makausap si Cayetano sa isang event sa Quezon City.

Ayon kay Defensor hindi man lamang sinabihan si Palma at Crisologo, na noon ay nangangasiwa sa sesyon, na sila ay tatanggalin.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?