32

Sep 7, 2021 @ 15:51
By

Planong granular lockdown kinuwestyon ng solon

Kinuwestyon ng isang solon ang lohika ng plano ng gobyerno na magpatupad ng granular lockdown.

Ayon kay Ang Probinsyano Rep. Ronnie Ong lalo lamang pahihirapan ng granular lockdown ang mga pamilya na hirap na sa kawalan ng kinikita dahil hindi makapagtatrabaho kahit na ang mga tao na hindi naman nahawa ng COVID-19.

Hindi rin makita ni Ong ang logic kung bakit hindi papayagang umuwi ang mga Authorized Persons Outside Residence (APOR) sa mga lugar na isasailalim sa lockdown.

“Saan matutulog ang mga iyon? Bibigyan ba sila ng pabahay? Our businesses are already suffering too much so we should not expect them to shoulder the lodging of their employees,” sabi ni Ong.

Iginiit ni Ong na walang lockdown ang makakapigil sa pagkalat ng COVID-19 dahil ang kailangan ay malawakang testing at contract tracing.

“Even at the start of this pandemic, this was already our problem but the COVID Task Force still has not come up with an effective testing and contact tracing system. Parang wala tayong natutunan…. Laging lockdown pa rin ang solution ng gobyerno,” dagdag pa ni Ong.

Pinuna rin ni Ong ang Department of Information and Communication Technology (DICT) na hindi umano nakagawa ng nationwide contact tracing system para mabilis na mahanap ang mga posibleng nahawa at national database ng mga nabakunahan na.

Sa halip na magpatupad ng pansamantalang solusyon, sinabi ni Ong na makabubuti kung bibigyan na lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ng ultimatum ang DITC na maglabas kaagad ng contact tracing system at vaccination database.

Ipinaliwanag ni Ong na kung mayroong maayos na contact tracing system mabilis na mahahanap at maihihiwalay ang mga tao na posibleng nahawa.

Sa Pilipinas umano ay napakaraming contact tracing system kaya ang datos na nakukuha ay hindi rin epektibong nagagamit para mahanap ang mga nakasalamuha ng isang tao na nagpositibo sa COVID-19.

“Andyan lang yung information pero it is not being processed right away. In short, kalokohan lang itong contact tracing natin,” wika pa ni Ong.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?