76

Oct 7, 2020 @ 17:34
By

Plano sa clinical trial ng COVID vaccine magulo – Tolentino

Kailangang maglatag ang mga sangay ng pamahalaan ng isang pulidong plano para sa nalalapit na pagsasagawa ng mga trial para sa bakuna kontra COVID-19 disease, ayon kay Senador Francis Tolentino.

Ito’y bunsod ng magkakaibang pahayag ng Department of Science and Technology (DOST), Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) sa gagawing mga clinical trial para sa hindi bababa sa anim na bakunang posibleng tuluyang makasugpo sa pandemyang kinakaharap ng buong daigdig.

Ayon kay Tolentino, dapat aniyang malinaw kung sino sa mga nabanggit na ahensiya ang pangunahing tututok sa gagawing test run ng mga bakuna kontra COVID-19.

Nauna nang inihayag ni DOST Secretary Fortunato dela Pena na lumagda ang kanyang ahensya ng “confidential data agreements” o CDA sa limang bansa para sa coronavirus vaccine.

Subalit hugas-kamay naman ang nasabing opsiyal nang tanungin sa mga napaulat na nagsulputang COVID-19 vaccines sa black market at kung dumaan ba ito sa tamang proseso.

“This statement is as alarming as it is confusing. This begs the question: who is really in-charge of clinical trials on COVID-19 treatments in the country?” sabi ni Tolentino.

Naguguluhan din ang senador dahil panay anunsyo ang DOH at DOST sa mga umano’y nakatakdang clinical trials sa bansa, subalit taliwas naman ito sa pahayag ng FDA at sinabing wala pang aprubadong aplikasyon para sa pagsasagawa ng test-run para sa COVID vaccine.

Bukod diyan, sinabi ni Tolentino na dapat linawin ang mga pananagutan at reponsibilidad ng mga ahensiyang may kinalaman sa nalalapit na clinical trials.

Iginiit pa nito ang kahalagahan ng pagkakaroon ng malinaw na plano at koordinasyon sa mga sasalang sa nasabing pagsubok.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?