293
knife-with-blood
Dec 11, 2017 @ 16:30
By

Pizza crew binurdahan ng saksak sa Novaliches

Hindi akalain ng isang pizza crew na ang pag-resbak niya sa nambato sa kanya ang siyang magiging mitsa ng kanyang kamatayan matapos na pagsasaksakin ng hindi nakilalang lalaki sa Novaliches, Quezon City, nitong Lunes ng madaling araw.

Kinilala ni P/Supt. Rodelio B. Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ang biktima na si Zaldy Balolot Palaca, 28-anyos, binata, pizza crew ng Aaliyah, at stay-in sa No. 27 Dr. Villa Real St., Brgy. Gulod, Novaliches ng nasabing lungsod. Siya ay namatay noon din sanhi ng tinamong maraming saksak sa katawan.

Sa inisyal na report ni PO3 George Caculba, ng CIDU-QCPD, ang pananaksak ay naganap dakong ala-1: 25 ng madaling araw sa harap ng Sweet Bheng Bakery na matatagpuan sa No. 17 Villa Real St., ng nasabing barangay.

Batay sa pahayag sa pulisya nina Jonnel Lopez at Jordan Banlat, boardmate at kasamahan ng biktima sa Aaliyah, dumating si Palaca at nagkuwento na may nambato sa kanya sa labas habang papauwi siya ng boarding house.

Dahil sa hindi niya kilala ang nambato ay hinikayat ang dalawa na lumabas para kilalanin ang lalaking nambato sa kanya.

Pero naunang lumabas ang biktima upang resbakan ang nambato sa kanya at ilang minuto ay sumunod na sina Lopez at Jonnel, subalit laking gulat nila nang makitang duguan nang nakabulagta si Palaca.

Agad nagpasaklolo ang dalawang kasamahan ni Palaca sa mga tanod ng barangay na siyang nag-report sa pulisya.

Nasamsam ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) na pinamumunuan ni P/ Sr. Insp. Joseph Infante ang bnabaling kutsilyo na hinihinalang ginamit sa pananaksak sa biktima. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?