33

Dec 14, 2020 @ 21:44
By

PITC, pharma company na bibili ng COVID bakuna magkaiba – Tolentino

Dapat ding maimbitahan sa pagdinig ng Senado ang pharmaceutical company na siyang bibili ng bakuna kontra coronavirus ng bansa dahil iba ito sa kontrobersyal na Philippine International Trading Corporation (PITC), ayon kay Senador Francis Tolentino.

Magugunitang si Senador Franklin Drilon ang naunang nagkuwestiyon sa PITC tungkol sa P33 bilyong nakagarahe sa bank account nito noong katapusan ng 2019 at pinababalik iyon sa National Treasury sa isyu ng paglabag sa auditing at procurement rules.

Ayon kay Tolentino, isang government-owned and controlled corporation ang naturang pharma company.

“Mayroong tinatawag na PITC Pharmaceutical Company na nakatutok naman tungkol naman sa mga generic drug, bumili ng gamot sa India o kung saan man. Maaaring ‘yung mother company ‘yung PITC, ang maraming red flags, hindi nagagamit ang salapi, nai-invest sa iba. Pero ‘yung pharma company although mother company niya ‘yung isa, ibang kompanya naman ‘yun,” pahayag ni Tolentino sa panayam ni Jon Ibanez sa programang “Balitaan at Kumustahan” ng Politiko Live.

“Siguro sa night hearing, dapat maimbita rin ‘yung pharmaceutical company para maipakita naman kung talagang may track record ito, kasi ito ‘yung nakaabang na bibili ng mga COVID vaccines,” dagdag niya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?