33

Sep 7, 2021 @ 15:45
By

PITC, DBM-PS pinabubuwag ni Win

Dapat nang buwagin ang Philippine International Trading Corporation (PITC) at Department of Budget and Management-Procurement Service (DBM-PS) dahil sa hindi tamang paggamit ng pondo ng gobyerno, ayon kay Senador Win Gatchalian.

Ginawa ng senador ang panawagan sa gitna ng ginagawang imbestigasyon ng Senate blue ribbon committee sa diumano’y overpriced na medical supply na binili ng gobyerno sa pamamagita ng PITC o ng DBM-PS.

“Isa sa mga bagay din na nakita kong dapat tignan at tingin ko nga ay buwagin na itong pagpasok po ng mga pondo sa PITC at sa DBM-PS, yung procurement service,” sabi ni Gatchalian sa Laging Handa briefing.

“Ang nangyayari kasi nagiging masamang habit o masamang ugali ng mga ahensya kung hindi nila magastos ang pondo, pinapasa nila dito sa PITC at DBM-PS para hindi sila masabihan na low utilization o di ginagamit ang pondo,” dagdag nito.

“Pagdating naman sa PITC at DBM PS, hindi naman nila nagagastos at nagagamit yung pondo. So itong dalawang ahensyang ito dapat mabuwag na dahil nagiging bad habit na ipinapasa po yung pondo sa kanilang tanggapan,” saad pa ni Gatchalian.

Binanggit din ng senador ang pagkabigo ng PITC sa gastusin ang pondong inilagak sa kanila ng Bureau of Fire Protection para pambili ng face truck. Dahil dito, maraming munisipalidad ang walang fire truck at fire station.

”Kahapon lang nakita ko sa internet na yung pondong ibinigay ng BFP sa PITC, 2015 pa hanggang ngayon hindi ho nagagastos,” ayon kay Gatchalian.

“Sayang marami tayong munisipalidad na walang fire truck, fire station, yung pera nakatengga lang sa PITC so itong dalawang ahensyang ito tingin ko dapat mabuwag na dahil nagiging bad habit na ipinapasa po ang pondo sa kanilang tanggapan,” lahad pa nito.

Binigyang diin pa ni Gatchalian na dapat magpatuloy ang imbestigasyon ng Senado sa maanomalyang pagbili ng pandemic supply.

Aniya, kailangang malaman ang katotohanan sa likod ng pagbigay ng P8.6 bilyon kontrata ibinigay sa Pharmally sa kabila ng pagiging bagong tatag lang ng korpirasyon na may paid up capital na P625,000 lamang.

“But regardless whether Committee of the Whole o Blue Ribbon, ang importante po ay malalaman natin ang katotohanan. Makikita natin ang butas o loopholes at maayos natin ang sistema,” sabi ni Gatchalian.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?