37

Dec 18, 2017 @ 15:46

Pistons, Raptors nagsipagwagi

Balik ang kalakasan ng Detroit Pistons at napantayan ang franchise record nilang 17 three-pointers matapos kumawala sa Orlando Magic, 114-110.

Bumuslo ng career-high 20 points si Pistons forward Reggie Bullock na may 50 percent sa pagtatangka beyond the arc at napanalunan ng kanyang koponan ang tatlong magkakasunod na laro makaraan ang pitong pagdausdos.

Maganda ang nilalaro ng 26-anyos na si Bullock kapag Magic ang katapat kung saan ang huli rin niyang mataas na iskor na naitala ay sa laban din nila ng Orlando.

Idinagdag lang si Bullock sa starting lineup ng Pistons apat na laro na ang nakakaraan at nagsilbing puwersa sa kasalukuyang mga panalo ng Detroit.

May tulong naman na tig-17 na puntos sina Tobias Harris, Reggie Jackson at Anthony Tolliver para sa Pistons.

May bentahe na 24 puntos ang Pistons sa fourth quarter pero hinayaang makakawala ng 19 puntos ang Magic bago naitakbo ang panalo.

Parehong liban ang leading scorers ng Orlando na sina forward Aaron Gordon at guard Evan Fournier dahil sa injury.

Bumida sa Magic si forward Mario Hezonja na may career-high 28 points.

Samantala, panalo ang Toronto Raptors kontra Sacramento Kings, 108-93, nang magtala ng balanseng atake na 21 points si DeMar DeRozan.

Nauna nang natalo ang Kings noong Sabado (Linggo, Manila time) sa paghaharap nila ng Raptors.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?