64

Dec 13, 2017 @ 10:52
By

PISTON tatapatan ng rubber bullets, baton kapag nagmatigas

Posibleng magkasubukan ang mga sundalo, pulis at grupong PISTON, o Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide, kapag hindi sumunod sa jeepney modernization sa Enero 2018.

Sinabi kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi uubra ang pagmamatigas ng PISTON dahil pinabili na niya ng rubber bullets at ipinahanda na nito ang truncheons o baton sa mga pulis at sundalo para gamitin sa demonstrasyon ng grupo.

Nagbanta ang Pangulo na huwag hintaying hilahin niya ang grupo kasama ang kanilang mga lider kapag patuloy na nagmatigas sa jeepney modernization.

Binigyang-diin ng Presidente na ang batas ay batas kaya’t dapat na sundin ito.

“Itong PISTON, hindi raw sila magsunod, sabi ko ‘sige subukan natin.’ Because I’m preparing the Armed Forces and the Police to buy rubber bullets, prepare for their truncheons and …sige hilahin ko talaga kayo, including the leaders. I don’t care if we go into a turmoil. That is what I like; I thrive best in a turmoil,” ang pahayag ng Pangulo.

Matatandaang nagbanta ang Pangulo na hihilahin niya ang mga karag-karag na sasakyan sa kalsada pagsapit ng Enero kapag hindi sumunod sa programang modernisasyon ng gobyerno.

Iginiit ni Pangulong Duterte na mas marami ang nagkakasakit at namamatay dahil sa maduming usok na ibinubuga ng mga luma at karag-karag na mga jeep sa mga lansangan at lalong tumitindi ang problema sa polusyon dahil sa mga ito. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?