118
gun
Jan 6, 2018 @ 18:02
By

Pintor tinaniman ng 16 bala

Tila ginawang target shooting ng riding-in-tandem ang isang pintor matapos na pagbabarilin ng 16 na beses sa Batasan Hills, Quezon City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni P/Chief Supt. Rodelio B. Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ang biktima na namatay noon din na si Jeric Tabardilla, 36, may-asawa  at nakatira sa No.18 Kalusugan Street, Barangay Batasan Hills, QC.

Sa imbestigasyon ni PO1 Christian Loyola, nabatid na ang insidente ay naganap dakong alas-nuwebe ng gabi sa tapat ng isang tindahan malapit sa tahanan ng biktima.

Ayon kay Emielyn Tabardilla, misis ng biktima, bumibili ng sigarilyo ang kanyang mister sa tindahan nang dumating ang dalawang suspek at walang sabi-sabing pinagbabaril ito.

Plano talagang patayin ng mga suspek ang biktima dahil tinadtad nila ito ng 16 na bala.

Droga ang tinitingnang dahilan ng pagpatay sa biktima dahil nakitaan si Tabardilla ng dalawang sachet ng hinihinalang droga.

Itinanggi naman ni Emielyn na tulak ng droga ang kanyang mister sa halip ay sinabi nito na maayos ang trabaho nito bilang isang pintor.

Nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad para matukoy ang tunay na motibo ng krimen.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?